BENITO SOLIVEN, ISABELA — Ginanap nitong Abril 11-12 ang kauna-unahang Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) grand harvest festival sa bansa sa Barangay Lucban, Munisipalidad ng Benito Soliven sa Isabela.

Pinakita ng nasabing harvest festival ang mga nagawa sa AMIA village bilang bahagi ng paghahanda laban sa pabago bagong panahon at klima.

Sinabi ni Regional Executive Director Lorenzo M. Caranguian na ang grand harvest festival ay “pista ng kaalaman” dahil sa iba’t ibang mga kaalamang makukuha sa AMIA Village.

Sa unang araw ng harvest festival, pinangunahan ni Director Caranguian at Director U-Nichols Manalo ng DA Systems Wide Climate Change Office (SWCCO) ang pagbukas/pag unveil ng AMIA village, pagpapakita sa rice production, dragon fruit production, tilapia production, actual na pagharvest gamit ang combine harvester, at gulayan sa paaralan at mga bakuran.

“Ang ating AMIA Village ay isang programa ng Kagawaran ng Pagsaska sa pagtugon sa mga epekto ng pagbabago ng klima sa pamamagitan ng mga probisyon ng pinagsamang mga serbisyo ng suporta para sa mga komunidad na nababanat sa klima sa Cagayan Valley,” pagbibigay diin ni Director Caranguian.

Sa ngayon, sampung AMIA Villages lamang ang meron sa Pilipinas. Ang Rehiyon Dos ang kauna unahang rehiyon na nagsagawa ng grand harvest festival.

“May 10 exisiting amia villages sa Pilipinas, kayo lang ang may grand harvest festival. Ito ang nakikita naming paraan na kung saan kayo mismo ang magsasabi kung paano kayo magaadapt laban sa climate change,” ani Director Manalo sa kanyang mensahe.

Dagdag pa ni Director Manalo, “nararapat na lahat ng inyong natutunan ay ipamahagi nyo rin sa ibang mga myembro ng ating komunidad para matuto din sila.”

Pinaalalahan nya lahat ng myembro ng Benito Soliven na kelangang “magkaroon ng bukas na pagiisip pagdating sa mga ginagawa sa AMIA Village.”

“Bumisita kami dito sa rehiyon ninyo upang makita namin at mabanggit namin sa ibang AMIA villages kung anong best adaptation and mitigation practices ang ginagawa dito sa Benito Soliven,” sabi ni Director Manalo.

Ang AMIA Village sa Isabela ay nakabatay sa pyramid of community resilience na kung saan lahat ng myembro ng komunidad at magtulong tulong na kikilos at magtanim para maibsan epekto ng climate change.

Ayon kay Ms. Kay Olivas, PMED Chief at Project Leader ng AMIA, “kelangan ng community participation para maging resilient ang mga mamamayan laban sa mga kalamidad.”

Sa paglunsad ng grand harvest festival, hiniling ni Director Caranguian na, “gawing sustainable ang programa pagkat ito lamang ang integrated na programang nagpapakita kung paano malulunasan ang epekto ng climate change gamit ang isang village based approach.”

Sa parte ng lokal na Pamahalaan ng Benito Soliven, sinigurado nilang lahat ng nagawa at magagawa pa sa AMIA Village ay kanilang pagyayamanin.

“Hiling ko sa aking mga kababayan na sana hindi ito masigla simula lamang dahil may nakukuha tayong biyaya mula sa gobyerno. Kundi, ito dapat ang simula na alamin natin lahat ng proseso dito sa AMIA Village at ituloy natin ang mga napag aralan natin,” ani Mayor Roberto Lungan.

“Asahan nyo na kami ay magiging masiglang partner ng AMIA.”


###